
May isang sweet na mensahe ang aktres na si Camille Prats sa kanyang asawang si VJ Yambao para sa kanilang ika-10th wedding anniversary kung saan ipinakita ni Camille sa kanyang IG ang isang compilation video ng kanilang special moments, kalakip ang isang mahabang post.
Lubos na pinasalamatan ng aktres ang kanyang mister na nandyan raw palagi para sa kanya.
"Sampung taon pero parang sampung buwan pa lamang. Walang hanggang pasasalamat sa Diyos dahil binigay ka Niya sa akin. Sa mga panahon na walang kasiguraduhan ang bukas, pinakita at pinaramdam mo na sigurado ka sa akin. Hindi pinakinggan ang sinasabi ng iba, basta't sa maliit na mundo natin tayo ay masaya," sabi ni Camille.
"Sampung taon na ang lumipas, parang kahapon lang. Kasama kang mangangarap sa bukas na Diyos lang ang nakakaalam. Hawak kamay nating sisikapin at panghahawakan ang mga pangako ng nasa Itaas, walang hindi kakayanin basta't patungo sa Kanya ang tatahaking landas," dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Camille na si VJ ang naging instrumento upang maipakita ang pagmamahal sa kanya ng Diyos.
"Obviously, I looove doing life with you. (red heart emoji) You are more than what I could ever ask for. God shows His amazing love for me through you, how blessed I am that I get to witness it every single day," sabi ng aktres.
Kahit si VJ may sweet message din para kay Camille.
Ipinost pa niya ang isang litrato na nasa isang beach habang suot ni Camille ang kanyang wedding dress.