Bukidnon massacre: Lima patay
Iniulat ng mga otoridad nitong Lunes na namatay sa pamamaril at pananaga ang limang tao sa loob ng dalawang magkakalapit na bahay sa Lantapan, Bukidnon noong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat ng na nakarating sa Camp Crame mula sa Lantapan Municipal Police Station, nangyari ang insidente Sitio Kiabacat, Barangay Songco at nakatakas umano ang mga salarin.
Batay sa imbestigasyon, anim na suspek na armado ng mga baril at itak ang pumasok umano sa bahay ng biktimang si Mael Lugnasan na nasugatan kasama ang isang menor de edad. Parehong nakatakas ang dalawa.
Hindi naman pinalad ang mga kasama niya sa bahay at napatay sina Rocky Cruz, 33-anyos; Rachel Cruz, 19-anyos; Winlove Sinto, 30-anyos.
Sunod na pinuntirya ng mga suspek ang katabing bahay at pinatay naman si Daniel Lugnasan.
Nitong Lunes ng madaling araw, sinabi ni Police Staff Sergeant Jeroen Pulido, na binawian na rin ng buhay ang menor de edad na kasama ni Mael na nakatakas.
Sa hot pursuit operation ng pulisya, tatlo sa mga suspek ang naaresto, habang patuloy na pinaghahanap ang iba pang suspek.
Kasama sa sinisiyasat ng mga awtoridad ang alitan sa lupa sa mga posibleng motibo sa nangyaring krimen.
