Ginang sa Samar pinugutan

qrf
Binitbit pa ng isang lalaki sa sementeryo ang ulo ng kanyang kapitbahay na walang kagatol-gatol niyang tinagpas.
Inilapag niya ito sa krus ng isang puntod, niluhuran at taimtim na dinasalan, hanggang siya'y datnan ng mga rumespondeng pulis.
Sa ulat ng Sagay Police, naglalakad ang mag-tiyahing sina Gelly Recodo (58) at Bernalyn Abranilla (35) sa Calbiga, Samar, nitong Sabado nang makasalubong nila ang suspek na si Randy Maniego (35) na may tangang bagong hasang itak.
Walang anu-ano'y hinagad ng lalaki ang dalawa at tinagpas ang ulo ni Recodo na tumilapon pa sa lakas ng pagwasiwas.
Inabot rin si Abranilla at tinamaan sa tiyan. Naputol ang tatlong daliri ng ginang sa pagsalag.
Bagama't sugatan ay nagawa pa nitong makatakbo at humingi ng tulong. Agad siyang naisugod sa pagamutan.
Parang wala namang nangyaring naglakad lang papunta sa isang sementeryo ang suspek, tila binubulungan.
Napag-alamang dati na palang may alitan ang mga ito dahil sa bayad sa kalabaw na ipina-breed.
Wala namang bakas ng pagsisisi sa suspek na ngayo'y nahaharap sa kasong murder at frustrated murder.
