Maharot na binatilyo nahulog sa ferris wheel

Dahil sa pakikipagharutan, isang 13 anyos na binatilyo ang nahulog sa isang ferris wheel at bumagsak pa sa isa ring menor de edad na sakay naman ng isa pang carnival ride sa Narvacan, Ilocos Sur.
Sa ulat ni PMaj. Arcadio Viloria, hepe ng Narvacan Police, nakikipagharutan umano ang nahulog na binatilyong 'di na pinangalanan sa kaibigan nito habang nakasakay sa ferris wheel.
Bagama't hindi naman nabuksan o nasira ang metal bar na nakaharang sa kanila bilang proteksyon, ay lumusot pa rin ang binatilyo dahil, kahit pa umiikot ang ferris wheel, hindi ito tumitigil sa kaharutan.
Dahil doon ay nahulog ang binatilyo na sakto namang bumagsak sa isa ring batang lalaki na sakay naman ng isa pang carnival ride.
Base sa salaysay ng may-ari ng carnival, nakailang ulit na nga umano nilang sinaway ang binatilyo na huwag maglikot dahil sa umpisa pa nga lang ay ang harot na nito ngunit hindi umano tumigil ang nahulog na binatilyo.
Dagdag pa ng mga awtoridad ay wala naman umanong nakikitang kapabayaan o pananagutan ang peryahan. Sa kabila noon ay pansamanatala pa ring itinigil ang operasyon nito upang masigurado umano ng pamunuan ng peryahan na ligtas ang mga nais sumakay sa kanilang mga rides.
Samantala, sa kabila ng insidente, ay maswerte namang parehong hindi nagtamo ng anumang injuries ang nahulog at pinagbagsakan nitong bata.
