
Overwhelmed ang aktres at singer na si Julie Anne San Jose dahil sa napakatindi at napakainit na pagtanggap sa kanila ng aktor na si Rayver Cruz ng kanilang mga fans.
Hindi rin inasahan nina Julie Anne at Rayver na ang pagiging hosts nila ng Kapuso reality show ng GMA na "The Clash" at "All Out Sundays" ay magiging daan para magkaroon sila ng espesyal na samahan.
Marami na kasing mga fans nila ang naniniwala na matagal na silang magdyowa pero inililihim pa nila ito para gawin munang pribado at makaiwas muna sa intriga at tsismis.
At dahil nga sa patuloy na pagdami ng kanilang supporters all over the universe, magkakaroon na nga sila ng major concert, ang "JulieVerse" na magaganap na sa November 26 sa Newport Performing Arts Theater.
"I am overwhelmed by the warm reception of fans to JulieVerse. Rayver and I cannot wait to share our universe with you, mga Kapuso. See you on November 26," pahayag ni Julie Anne sa naganap na virtual presscon ng "JulieVerse."
"Prepare to get kilig with the special numbers we have in store for you, guys. We hope we can all get inspired this November 26 via JulieVerse," sabi naman ni Rayver.
Ang "JulieVerse" ay produced ng GMA Synergy, ang nasa likod din ng 2022 New York Festivals TV and Film Awards Silver Medalist "Limitless: A Musical Trilogy" kung saan unang nag-collab sina Julie Anne at Rayver.
Makakasama rin sa "JulieVerse" bilang special guest ang Sparkle artists at Kapuso loveteam na sina Kyline Alcantara at Mavy Legaspi.