Herlene Budol, nagsumbong

Matapos maunsyami ang kampanya ni Herlene Budol sa Miss Planet International 2022 sa Uganda dahil hindi ito natuloy, nakabalik na sa bansa ang dalaga at tila maraming mga netizens ang may negative feedback kaugnay sa kanyang bagong social media update.
Sa post kasi ng dalaga, ipinakita niya na ang larawan kung saan nakapikit at nakahiga siya sa puntod ng kanyang yumaong lola na si Virginia Budol. Nakasuot pa nga siya ng kanyang pajama at tila nakayakap sa libingan ng kanyang lola.
"Nasumbong ko nang lahat kay nanay," caption ni Herlene sa kanyang social media post.
Mukhang ang tinutukoy niya ang kanyang mga hinaing at hindi magandang karanasan noong sumali ito sa Miss Planet International 2022.
Matatandaang lumipad nitong buwan si Herlene papuntang Kampala, Uganda bilang representative ng Pilipinas ngunit noong nandoon na sila ay maraming problema ang nangyari at tila naloko at nalinlang siya at ang iba pang kandidata matapos makansela ang naturang beauty pageant.
Pero eto nga, maraming mga netizens ang parang hindi natuwa sa dalaga na dahil masyado na raw "OA" at "halatang staged" ang mga larawan.
May mga nagsasabi ring baka publicity stunt lamang ito para pag-usapan si Herlene at makakuha ito ng simpatya.
Samantala, may mga nagtanggol naman sa dalaga at sinabing wala namang mali sa ginagawa nito.
Matatandaang minahal ng publiko si Herlene dahil sa pagiging natural nito at pagiging masiyahin sa kabila ng mga pinagdaraanan sa buhay.
