Pulis patay sa kabaro
Patay ang isang pulis na aksidenteng nabaril ng kkapwa pulis sa Barangay 1B lungsod ng San Pablo Laguna, Miyerkules ng umaga.
Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang dibdib mula sa .9mm caliber ang biktimang si PCpl. Fhrank Aldene Yasay de la Cruz (30) ng San Pablo Police Station.
Ang nakabaril naman niyang kabaro na nahaharap sa kasing homicide at administrative case ay si PCpl. George Mervin Cañete Duran (31), isang SWAT PNP member.
Sa ulat ng San Pablo City Police, dakong 8:30 ng umaga, habang naglilinis ng kanyang service firearms bilang paghahanda sa gaganaping inspection ng RSAO, ay bigla umanong pumutok ang baril ni Duran at aksidenteng tinamaan si Yasay sa kanang dibdib.
Agad namang isinugod ang biktima sa Community General Hospital sa San Pablo City, ngunit hindi na ito umabot pa nang buhay.
