Lovi Poe, sinasaniban

Aminado ang aktres na si Lovi Poe na para umano siyang sinasaniban ng kanyang ama na Action King na si Fernando Poe, Jr. kapag gumagawa siya ng mga action scenes at ayon sa dalaga, nararamdaman pa rin niya ang presence ng kanyang ama kahit ilang taon na itong wala sa mundo, lalo na kapag nasa shooting siya at nagtatrabaho.
Sa isang mediacon, sinabi ni Lovi na parang sinasaniban daw siya ng ama kapag gumagawa siya ng action scenes at mga buwis-buhay na stunts. Ginaya pa niya ang boses at style ng pagsasalita ni FPJ pati ang porma nito sabay tawa.
Ayon pa sa kanya, talagang humihingi raw siya ng guidance kay FPJ sa tuwing sasabak sa maaaksyong proyekto para magawa niya nang tama ang mga ito at makaiwas sa anumang aksidente.
Sabi pa ng dalaga, hinding-hindi niya malalagpasan o mapapantayan ang na-achieve ng kanyang ama sa mundo ng showbiz pero sana raw kahit kaunti lang ng naabot ni Da King ay marating niya.
Samantala, masusubukan ang pagmamahal at prinsipyo nina Lovi Poe at Piolo Pascual sa Philippine adaptation ng "Flower of Evil," na mapapanood na gabi-gabi sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z, at TV5.
Sinusundan ng kwento ang buhay ng mag-asawang Jacob at Iris (Piolo at Lovi). Umiikot ang buhay nila sa anak nilang si Luna (Sienna Stevens), habang si Jacob ay isang metal craftsman at si Iris naman ay isang maprinsipyong police detective.
Walang kamalay-kamalay si Iris na may itinatago pa lang masalimuot na nakaraan si Jacob. Ilang taon na kasing inililihim ni Jacob ang kanyang totoong pagkatao dahil siya talaga ang misteryosong si Daniel Villareal.
