

Itinanghal na best actress sa 45th Gawad Urian ang aktres na si Yen Santos para sa pelikulang "A Faraway Land" na ipinalabas sa Netflix kung saan naging leading man niya si Paolo Contis.
Ginanap ang awarding ceremonies sa UP Film Center sa UP Diliman.
"Para sa kanyang sensitibo at kamangha-manghang pagganap sa papel ng isang Pilipinang nangibang-bayan na naipit sa pagitan ng tungkulin niya sa kanyang anak at asawang banyaga sa Faroe Islands, at maalab na pagmamahal sa isang journalist na gumawa ng dokumentaryo tungkol sa kanya bilang matagumpay na OFW, ang Gawad Urian ng 2022 para sa pinakamahusay na aktres ay ibinibigay kay Yen Santos para sa pelikulang A Faraway Land," pagbabahagi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.
Masayang-masaya naman si Yen nang tanggapin nito ang parangal.
"Hi! Magandang-magandang gabi po sa inyong lahat. Ahhhm, napakalaking blessing po na mabigyan ng magandang proyekto sa gitna ng pandemya," sabi ng dalaga. "2020 po, iyon yung kasagsagan ng pandemya na hindi ko sigurado kung kailan magiging OK lahat. Lahat, apektado. Nahinto ang mga trabaho. At dumating po ang A Faraway Land sa akin."
Kaya naman noong i-offer raw ang pelikula kay Yen ay agad niya itong inoohan. Bonus pa nga raw dahil maganda ang lugar kung saan kinunan ang pelikula.
Nagpasalamat naman ang aktres sa buong produksyon ng pelikula pati na rin sa direktor nito na si Veronica Velasco.
Ngunit siyempre, nagpasalamat rin ang aktres sa kanyang leading man sa "A Faraway Land".
"And of course, to my leading man Paolo Contis, sobrang talented, napakagaling na artista. Maraming-maraming salamat sa iyo. I'll always be your number one fan," sabi pa ng dalaga.