

Himas-rehas ang isang teenager na inakusahan ng panghahalay ng lasing na kaibigan sa inuman sa Navotas City nitong Huwebes.
Ala-una pasado ng madaling araw nang maganap ang panghahalay sa bahay ng kakilala ng suspek at biktima– pawang 19 taong gulang na hiniling ng kanilang mga kaanak na huwag nang pangalanan–sa R. Domingo St., Tangos North.
Nag-inuman umano ang mga ito kasama ang iba pang kabataan din at, nang magkalasingan na, ay nakaramdam ng matinding pagkahilo ang biktima at nagpasyang umidlip na muna sa isang silid sa bahay.
Ilang sandali pa ay pinasok na siya ng suspek at inumpisahang paghahalikan hanggang sa tuluyan na siyang pagsamantalahan.
Hindi pa sana hihinto ang suspek kung wala pang pumasok sa silid na kanilang kinaroroonan.
Nang agad malaman ng mga magulang ng biktima ay mabilis humingi ng tulong ang mga ito sa barangay na nauwi sa pagkaka-aresto ng suspek.