Tulong sa Maguindanao, tuloy pa rin

Tuluy-tuloy pa rin ang pagdating ng tulong sa mga isolated na mga lugar sa Maguindanao matapos ang pananalasa ng bagyong Paeng.
Naghatid ng relief goods sakay sa bangka ang Ministry of Social Services and Development patungo sa Barangay Tapian sa bayan ng Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao del Norte, na isa sa pinakaapektado ng bagyo.
Tatlong biyahe ng bangka ang ginawa para maihatid ang 750 sako ng bigas, food packs, at 420 na galon ng tubig.
Ang relief operation ay bayanihan ng MSSD, LGU, Philippine Navy, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at volunteers.
Naghatid naman ng mga galon ng inuming tubig, mga tsinelas, at mga dining utensils ang Bangsamoro Economic Zone Authority sa Sitio Lantang, Brgy. Matuber, Datu Blah Sinsuat (DBS), Maguindanao Del Norte.
Hindi mapasok ng sasakyan ang Barangay Tapian sa DOS at ang buong DBS matapos bumagsak ang mga tulay patungo sa lugar.
Samantala, patuloy pa rin ang pagsu-supply ng malinis na tubig ang mga LGU at mga organisasyon sa mga evacuation center, lalo't pahirapan ang pagkuha ng tubig matapos ang bagyo.
Bukod sa rasyon ng tubig, naglagay ng mga water tank ang MSSD sa Awang Elementary School, Badak evacuation center, Kusiong Elementary School, at Dinaig evacuation center.
Libo-libong litro ng tubig ang sinusuplay sa mga evacuation center.
Aabot sa 222,027 na pamilya ang apektado ng baha sa 469 na barangay sa buong BARMM region, habang P227,807,903 naman ang halaga ng nasira na agrikultura.
Samantala, isolated rin umano ang bahagi ng Antique, maging ang kalapit na Iloilo City, dahil sa mga naputol na tulay bunsod ng pananalasa ng bagyong Paeng, sabi ni Mayor Aser Baladjay.
"Sa ngayon [may] problema din kami because we're isolated sa capital town ng Antique sa San Jose de Buenavista atsaka sa Iloilo City kasi dalawang tulay po namin dito ang naputol," saad ni Baladjay.
