P550K BINAYAD SA HITMAN!

Inihayag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na kumpirmadong may naideposito umanong P550,000 sa account ng self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pagpatay kay Percy Lapid.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang ulat ng AMLC ay accurate umano at naroon umano ang dinepositong pera.
Sinabi pa ni Remulla na parte-parteng idineposito ang P550,000 sa loob ng tatlong linggo.
"Maraming deposito 'yan within a span of more than two weeks eh, within a three-week period. Parang ganu'n eh, within a 20-day period," saad niya.
Dagdag ni Remulla, lumabas sa ulat ng AMLC na ang pera ay idineposito ng iba't ibang indibidwal.
"Iba-iba 'yang nag-deposit) Ipapaliwanag 'yan ng NBI sa Lunes kasi alam nila ang mga detalye," sabi ng Justice Secretary.
"'Ya8n ang bago nating iimbestigahan because it sheds some light into the financial activities within," sabi ni Remulla.
Kung matatandaan, binaril at napatay si Lapid, o Percival Mabasa sa tunay na buhay habang pauwi sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City, noong Oktubre 3.
Sumuko si Escorial sa mga awtoridad at umaming siya ang gunman.
Sinabi rin ni Escorial sa pulisya na nakatanggap siya ng P550,000 sa pamamagitan ng bank transfer matapos patayin si Lapid, ayon kay Southern Police District director Police Brigadier General Kirby Kraft.
Sinabi pa ni Escorial na nagmula sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang utos na patayin si Lapid at may isang indibidwal mula sa kulungan ang nakipag-ugnayan sa kanila para isagawa ang pagpatay.
Sinabi ni Escorial na ang middleman ay si Cristito Villamor-Palaña o Jun Villamor, na namatay naman sa NBP ilang oras matapos sumuko si Escorial sa mga awtoridad.
Ayon naman kay Remulla, patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang iba pang maaaring sangkot sa planong pagpatay kay Lapid.
"Meron pa kaming sinisimot na may participation dito. Belated na ang pagiging co-accused kasi iimbestigahan pa rin," saad niya.
Sinabi ni Remulla na magsasampa ang NBI ng reklamo sa Lunes laban sa mga posibleng sangkot sa planong pagpaslang sa broadcaster.
Tatayo sa korte ang mga ebidensya
Sinabi pa ng Justice Secretary na naniniwala siyang tatayo sa korte ang mga nakalap nilang ebidensya.
"It is not as perfect as you want it to be. It will hold in court I believe. The standards of reasonable doubt can be met," sabi ni Remulla kung hindi mapasusubalian ang kanilang ebidensya.
"Tahi na 'yan (mga loose ends). Marami na tayong gusto pang malaman pero yung two cases, tahing-tahi na sila. Ano na lang, 'yung degree of criminal liability, diminished liability, tinitingnan natin ang mga anggulo," dagdag niya.







