
Handang-handa na ang komedyana at beauty queen na si Herlene Budol para sa kanyang international beauty pageant na "Miss Planet International 2022" at patungo na siya sa Uganda na kung saan gaganapin ang coronation night sa November 19.
Sa kanyang social media, ibinahagi ni Herlene ang ilang mga larawan kung saan nasa airport na siya.
"Goodbye for now as Herlene gets ready to say hello to Uganda. Miss Planet International here she comes!" saad ni Herlene sa caption.
Nag-update din si Herlene sa madlang pipol at nag-post din ng kanyang picture na nasa labas naman ng airport kasama ang manager na si Wilbert Tolentino.
Libo-libong netizens naman ang nag-comment sa kanyang post at nagpaabot ng mensahe para sa nalalapit na laban.
Bago umalis ang beauty queen ay nauna na siyang nag-update sa kanyang fans habang ipinapakita sa social media ang litrato ng kanyang pag-iimpake.
Nabanggit pa niya sa post na limang maleta ang kanyang dadalhin sa Uganda at umaming nakakaramdam na siya ng "pressure."
"Hindi biro ang pag sabak ng isang pageant. 'Yung preparasyon na dapat kumpleto susuotin pang araw araw. Limang maleta at isang box na National Costume. Grabe, bigla ko naramdaman ang Pressure," saad ni Herlene.
Ayon pa sa kanya, nasa 80 na mga kandidata ang kanyang makakalaban sa kompetisyon kaya nanghihingi siya ng suporta at dasal mula sa kanyang fans.