Dalawang DSWD official sa Region 4-A, inalis sa puwesto

Inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na inalis sa puwesto ang dalawang pinuno ng DSWD Region 4-A upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa reklamo ni Noveleta, Cavite Mayor Dino Chua hinggil sa paghingi umano ng maraming dokumento para sa pagbibigay ng ayuda sa mga sinalanta ng bagyong Paeng.
Sinabi ni Tulfo na ni-relieve niya ang regional director at assistant regional director ng DSWD Calabarzon.
Batay sa reklamo ni Chua, kabilang umano sa mga rekisitos ng DSWD ay mga certificate of indigency, barangay clearance, at mga ID.
Ayon kay Tulfo, nauna nang sinabi ng dalawang opisyal na wala sa listahan ng social workers ang mga residenteng nagreklamo na hinihingan sila ng mga dokumento.
Pinatawag ni Tulfo ang dalawang opisyal sa DSWD Central Office sa Quezon City para maibigay ang kanilang panig sa inasagawang imbestigasyon.
Tatayo munang acting regional director ng DSWD IV-A si Assistant Secretary for Special Concerns Marites Mortel Maristela.
"I am doing this, I am relieving two of the personnel, officials para po hindi na mangyari ito, 'yong mga sinasabi ni Mayor Chua na andaming hinihingi na mga requirement, andaming ganito, binaha na nga, binagyo na nga," sabi ni Tulfo.
"Para ma-satisfy ang reklamo ni Mayor Chua, nagbaba na ako ng relief order doon sa dalawang opisyal ko para magpaliwanag din kung ano talaga at maimbestigahan po. Kaya ko rin sila nilagay sa Office of the Secretary para hindi maimpluwensyahan 'yong conduct of our investigation," dagdag niya
Humingi ng paumanhin si Tulfo sa mga taga-Noveleta sa pangyayari at nangakong magiging patas ang imbestigasyon nila sa insidente.
Ayon kay Tulfo, may sariling isinasagawang imbestigasyon si Chua sa insidente at magpapasahan sila ng kani-kanilang report sa pangyayari.
Dagdag ng kalihim, inatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang pahirapan ang mga biktima ng kalamidad sa pagkuha nila ng ayuda.
