SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

MGA SEMENTERYO, DINAGSA SA UNDAS

MGA SEMENTERYO,  DINAGSA SA UNDAS
Published on

Kahit katatapos lang indahin ang pananalasa ng bagyong Paeng sa bansa, dumagsa na ang mga tao sa mga sementeryo upang dalawin ang mga namayapa nilang mahal sa buhay sa obserbasyon ng Undas nitong Martes.

Sa Manila North Cemetery na lang, dagsa na ang mga tao at mistulang nabalewala ang physical distancing sa pila papasok sa isa sa pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila at sa haba ng pila, umabot ito hanggang Blumentritt Road.

Nahirapan ang mga awtoridad na magpatupad ng physical distancing, pero marami sa mga bisita ay nakasuot naman ng mask bilang pag-iingat kontra COVID-19 at ayon sa tala ng Manila Police District bandang alas-11 ng umaga, higit 55,000 na ang pumasok sa sementeryo at inaasahang patuloy pang tataas ang bilang.

Paulit-ulit na ipinaalala ng pamunuan ng sementeryo na magpapatupad sila ng cut-off alas-4:30 ng hapon at hindi na magpapapasok pa, habang alas-5 ng hapon naman isasara ang sementeryo.

Sa Manila South Cemetery naman, nagkaroon din ng mahabang pila papasok ng sementeryong sa dami ng bisita at umabot hanggang 400 metro ang pila papasok bandang alas-2 ng hapon, ayon kay cemetery director Jonathan Garzo.

Hanggang alas-2 ng hapon, umabot na sa 44,000 tao ang pumunta sa Manila South Cemetery, ayon sa ulat ng pulisya.

Gaya noong Lunes, problema pa rin na isinama ng mga bisita ang mga bata na walang COVID-19 vaccination card, na requirement para papasukin ng sementeryo, saad ni Garzo.

Muling nagtalaga ang sementeryo ng lugar kung saan puwedeng iwanan ang mga batang hindi bakunado habang dumadalaw ang kanilang mga magulang sa mga puntod.

Nagtayo naman ng vaccination sites ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa labas ng mga pampublikong sementeryo sa lungsod bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa COVID-19.

Pero may ilan ding private memorial park tulad ng Himlayang Pilipino na nilagyan din ng vaccination site.

Sa Loyola Memorial Park sa Marikina, dagsa pa rin ang mga dumadalaw kahit umulan noong umaga at basa ang parke pero mabilisan o ilang oras lang umano silang nananatili sa sementeryo.

Umabot naman sa halos 10,000 ang bisita sa Manila Memorial Park sa Parañaque noong umaga ng Martes.

Sa Mandaluyong, pinayagang iuwi ang abo ng mga yumao simula noong nakaraang linggo. Pero kailangan ibalik ang mga ito sa mga columbarium isang linggo pagkatapos ng Undas.

Mayroon ding mga grupong nag-aalok ng libreng tubig at medical assistance sa labas ng ilang sementeryo.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph