Ilang mga sementeryo, baha pa rin

Mayroong pa ring tubig-baha sa ilang mga sementeryo sa Luzon ngayong Undas kasunod ng buhos ng ulan na dala ng bagyong Paeng kaya naman marami sa mga Pinoy na nagnanais dumalaw sa mga puntod ang nahirapan.
Mangilan-ngilan lang ang bumisita nitong Martes sa Noveleta Public Cemetery sa Noveleta, Cavite dahil hindi pa humuhupa ang baha sa malaking bahagi ng sementeryo bunsod ng Bagyong Paeng noong nagdaang weekend at may naiwan ding makapal na putik sa ilang eskinita.
Sinamantala naman ng ilang mga kabataan ang baha para kumita sa paglilinis ng mga nitso at pagtutulos ng kandila sa mga bahang lugar.
Inaasahang magkakasa ang lokal na pamahalaan ng Noveleta ng clearing operation sa hapon ng Martes para hakutin ang mga dumi at putik mula sa baha.
Binaha rin nang lampas-tuhod ang sementeryo sa Barangay San Jose sa Calumpit, Bulacan noong Lunes.
Ayon sa Calumpit disaster office, mabilis tumaas ang baha sa sementeryo dahil bukod sa high tide ay catch basin o tagasalo rin ang lugar ng tubig galing Pampanga at Nueva Ecija.
Binaha rin ang ibang sementeryo sa Calumpit pero ang iba'y unti-unti nang humuhupa.
Pinag-iingat naman ng lokal na rescue team ang mga dumadalaw sa puntod laban sa mga sakit na posibleng makuha sa paglusong sa bahang sementeryo.
Pahirapan din ang pagtutulos ng kandila sa sementeryo sa ilang bayan sa Pampanga.
Kasama sa mga binaha ang sementeryo sa Barangay San Rafael sa bayan ng Macabebe.
Sa pitong sementeryo sa bayan ng Masantol, anim ang baha dahil sa mababang lokasyon.
