Halloween sa South Korea, nauwi sa trahedya

Naging isang malagim na trahedya ang isang masayang pagdiriwang ng Halloween sa Seoul, South Korea nitong Sabado ng gabi matapos magkaroon umano ng crowd crush sa Itaewon District.
Karamihan sa mga nasawi, ay mga teenager, at nasa kanilang 20s at tinatayang aabot sa 151 katao, kabilang ang 19 foreigners ang namatay, ayon sa pinuno ng Yongsan Fire Station na si Choi Sung-beom.
Dagdag pa ni Choi, mahigit 80 indibidwal ang nasugatan, habang 19 sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Pinangangambahan ding tumaas pa ang death toll, aniya.
"A number of people fell during a Halloween festival, and we have a large number of casualties. Many of those killed were near a nightclub," sabi ni Choi.
Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang insidente nang magsiksikan ang maraming tao sa isang eskinita habang ipinagdiriwang nila ang Halloween.
Pero bago pa man mangyari ang crowd crush, sinabi ng ilang saksi na nagkakagulo na ang mga tao. Binaggit din nila na 10x na mas marami ang dumagsa sa Itaewon District.
Ito ang unang Halloween event sa Itaewon sa loob ng tatlong taon kung saan nagluwag na ang COVID-19 restrictions.
Samantala, kinakailangan naman magtayo ang mga awtoridad pansamantalang morgue sa paligid para paglagyan ng mga katawan ng mga namatay.
Dinala rin agad sa government facility ang mga katawan ng mga biktima para matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng isidente.
Samantala, nagdeklara si South Korean President Yoon Suk Yeol ng national period of mourning ngayong Linggo.
Nagpahayag din si Yoon ng kanyang pakikiramay sa mga biktima.
"This is truly tragic. A tragedy and disaster that should not have happened took place in the heart of Seoul last night," saad niya sa isang pahayag.
