
Sa gender reveal ng couple na sina Son Ye Jin at Hyun Bin, lalaki ang magiging anak ng mga bida sa "Crash Landing On You."
Ang magandang balita ay base sa report ng Korean media outlet na "Soompi" na ayon sa kanila ay inanunsyo ng MS Team Entertainment, ang talent agency ni Ye Jin.
Sinabi rin ng talent agency na sa Disyembre nakatakdang isilang ang panganay na anak ng dalawa.
"Son Ye Jin and Hyun Bin's child is a boy. The baby is due in December," sabi ng agency.
Tiniyak din sa anunsyo na na nasa magandang kalagayan ang aktres.
"Son Ye Jin is currently in very good health. She's calmly preparing for the birth."
Maraming pinoy fans naman ang nasabik sa bagong update ng Korean couple at nag-trending pa sa Twitter ang "#BinJin."
Tulad ng isang fan na labis ang pagkatuwa dahil nagkatotoo na raw ang pangarap ni Hyun Bin na magkaroon ng mapagmahal na asawa at anak na lalake.
"So happy for my Idol HyunBin his dreams having a son and having a loving wife came true, thank you to his beloved wife Yejinssi," saad sa tweet.
Hindi naman makapaniwala ang isang fan dahil apat na buwan pa lang daw mula nang inanunsyo ng dalawa na magkakaroon sila ng baby, at ngayon ay malapit na raw ito isilang.
"I can't believe it's only been 4 months since we got the announcement and today we got the baby's gender and due date."
Matatandaang noong Abril nang ikinasal ang real-to-real life couple na naganap sa isang hotel sa Seoul, South Korea.
Star-studded ang mga dumalo sa wedding, kabilang na ang "Descendant of the Sun" actor na si Song Joong Ki, "Goblin" star na si Gong Yoo, at "Snow Drop" lead actor na si Jung Hae.
Enero ng nakaraang taon nang kumpirmahin ng celebrity couple ang kanilang relasyon.