
Matutuloy na ang nais ng mga tagahanga nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz na magsama sila sa isang concert at mangyayari na nga ito via JulieVerse on November 26 sa Newport Performing Arts Theater.
Nabuo ang tandem nila Julie at Rayver na #JulieVer dahil sa magandang chemistry nila sa pag-host ng GMA talent search na The Clash at sa Sunday musical variety show na All-Out Sundays.
At kahit naging busy si Julie sa kaliwa't kanan na trabaho, kasama na roon ang pagsalang niya sa lock-in taping ng top-rating GMA primetime teleserye na Maria Clara At Ibarra, nagagawa pa rin niyang mapagsabay ito sa rehearsals ng magiging concert nila ni Rayver.
Sa post pa ni Asia's Limitless Star sa Instagram na suot ay isang sexy glittering outfit, tila nagpapahiwatig siya ng dapat abangan sa kanyang concert.
"November is fast approaching," sabi ng dalaga.
Ayon naman kay Rayver, talaga umanong kikiligin ang mga fans nila sa oras na dumating ang araw ng kanilang first-ever concert.
"Basta kikiligin sila for sure kasi gusto namin talaga ma-feel ng audience 'yung journey namin ng JulieVer," sabi ni Rayver.
Makakasama sa JulieVerse concert bilang special guests ay ang Sparkle loveteam na MavLin nila Mavy Legaspi at Kyline Alcantra.