Denise Esteban, kabado

Aminado ang sexy actress na si Denise Esteban na kinakabahan siya sa pelikula niya sa Vivamax na Kara Krus lalo ngayong manonood daw ang mga magulang n'ya sa screening ng kanyang upcoming movie.
Ayon sa dalaga, nakakaramadam pa rin daw s'ya ng nerbiyos at pagka-asiwa sa tuwing magpapakita s'ya ng skin sa mga sexy scenes niya sa pelikula.
"Hindi pa rin nakakasanayan. Nandu'n pa rin 'yong kaba everytime na maghuhubad sa scene. Hanggang ngayon nagki-cringe pa rin akong panoorin ang love scenes ko," saad ni Denise.
Dagdag niya, hindi daw niya kayang panoorin ang kanyang sarili lalo na kung sa big screen ito ipinapalabas during press screenings.
Dito na rin n'ya nasabi na bababa mula Baguio City ang mga magulang n'ya para panoorin ang kanyang pelikula. Ito kasi ang unang beses na bibida siya kaya gusto ng mga ito na magpakita ng suporta sa kanya.
"Actually, manonood nga po 'yong parents ko. Kakausapin ko po muna sila bago pumunta doon. Ready naman po pero siguro, sa tatay ko lang hindi," sabi ni Denise. "Kasi since nu'ng nag-start ako, ang nanonood lang talaga 'yong Mama ko. 'Yong Papa ko daw hindi nanonood. Ayaw daw panoorin… Haha! Kaya good luck."
Pero kahit kinakabahan, kampante umano siya na maipagmamalaki niya sa mga ito ang ipinakita niyang galing sa pagda-drama at sa pag-portray ng dual character sa launching movie niyang Kara Krus.
Married woman kasi na may split personality disorder ang karakter kaya naman hindi lang paghuhubad ng aktres ang dapat abangan sa pelikula kundi ang kanyang improved acting skills na rin.
Kasama ni Denise sa movie sina Felix Roco, Adrian Alandy, Joko Diaz, Andrew Muhlach, Phoemela Baranda, at marami pang iba.
