
Nadismaya pala si Miss Universe 2018 Catriona Gray gaya nang ilang mga kababayan nating pageant fans sa kinahinatnan ng journey ni Roberta Tamondong sa Miss Grand International pageant.
Kung matatandaan, nabigong iuwi ni Roberta ang elusive golden crown at umabot lamang siya sa Top 20 sa ginanap na grand coronation noong October 25 sa Sentul International Convention Center sa Indonesia.
Si Isabella Menin ng Brazil ang kinoronahang Miss Grand International 2022.
Bagama't dismayado, sinabi ni Catriona na deserve ni Roberta ng mas mataas na placement base sa ipinakita nitong performance sa pageant stage kesa sa ibinigay dito na hanggang Top 20 lang.
"Haaay she deserved so much better, performed sooo well. I'm so proud," sabi ni Catriona sa isang social media post.
Tila maluwag namang tinanggap ni Roberta ang naging kapalaran niya sa sinalihang Thailand-based international beauty contest.
Sa kanyang Instagram post, nagpasalamat ang 20-year-old beauty queen from Laguna sa kanyang mga taga-suporta at nagpahiwatig na hindi pa ito ang huling pagsabak niya sa beauty derby.
"On to our next adventure!" saad niya sa kanyang IG post kalakip ang solo photo niya wearing her gold gown na likha ng designer na si Larry Espinosa.