
Pinalagan ng aktres na si Sunshine Cruz ang mga kumakalat sa social media na buntis umano siya at ang ex-husband niyang si Cesar Montano ang ama.
Ang viral video na kumalat sa social media ay ang mga pinagsama-sama ang mga litrato at interview nina Sunshine at Cesar para palabasing nagdadalang-tao ang celebrity mom.
Giit ni Sunshine, fake news ang mga nagsasabing dinadala raw niya ang ikaapat na anak nila ng kanyang ex-husband at ibinahagi ng aktres sa kanyang socmed account ang ilang screenshots mula sa mga vlog na napanood niya sa YouTube kalakip ang pagdedenay sa mga nasabing tsismis.
"FAKE NEWS! I've been sent a few videos about this fake news spreading and nagtataka nga ako na may mga bumabati at congratulate sa kin. Since meron pa ring napapaniwala and as respect sa partner at bagong pamilya ni Cesar, gusto ko sabihin na wala pong katotohanang buntis ako at magpapakasal sa aking ex-husband," sabi ni Sunshine.
Ang pagkalat ng nasabing fake news ay nangyari ilang araw matapos mabalita na hiwalay na si Sunshine sa kanyang boyfriend na si Macky Mathay at hanggang ngayon ay hindi pa nagsasalita ang dalawa hinggil dito kaya wala pang kumpirmasyon kung totoong nagkanya-kanya na nga sila ng landas.
Noong August, 2022, nagkasama-sama pa sina Sunshine, Macky at Cesar sa 18th birthday celebration ng ex-couple na si Samantha Cruz.