Paglilinis ng puntod sa Manila North Cemetery, bawal na

Nagsimula na ang paghihigpit sa Manila North Cemetery nitong Miyerkoles kung saan ipinagbabawal na ang paglilinis, pagpipintura, at renovation sa mga puntod at mahigpit rin ang inspeksyon para harangin ang mga pintura at iba pang gamit pang-linis.
Maaari na lang pumasok ang mga dadalaw para magdasal o makikilibing.
Humingi naman nang pang-unawa ang pamunuan ng Manila North Cemetery para maaga umanong ma-organisa ang sementeryo bago ang inaasahang buhos ng mga gugunita ng Undas mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.
"Hanggang October 25 lang po talaga maglinis, bukod do'n wala na po kaya po hinaharang namin sila sa gate," saad ni Elmer Quintos, ang officer-in-charge ng Manila North Cemetery Security.
"Kasi nga, siyempre, kung papayagan pa natin sila maglinis nang maglinis, ang basura po, labas din nang labas sa kalsada, hindi na po talaga naubos. Eh, araw-araw po, (halos tatlong) halos truck…ang naghahakot ng basura," dagdag niya.
Pinapayagan pa nitong Miyerkoles ang paglilibing at cremation pero hanggang Biyernes na lang, at magbabalik uli sa Nobyembre 3.
Inaasahan ang pre-pandemic na sitwasyon sa sementeryo ngayong Undas kung saan tinatayang aabot ng 1 milyon ang dadagsa.
Ipatutupad pa rin ang panuntunan sa pagsusuot ng face mask kahit open space ang sementeryo dahil inaasahan na magiging matao sa lugar.
