MMDA, nag-inspeksyon sa mga bus terminals

Photo by Analy Labor
Isang linggo bago ang Undas ay nagsagawa ng inspection ang Metropolitan Manila Development Authority sa dalawang terminal ng bus na nasa EDSA sa Quezon City.
Unang binisita ni MMDA acting chair Engr. Carlo Dimayuga ang Five Star bus terminal at isinunod ang terminal ng Baliwag Transit at ayon sa MMDA official, isinagawa nila ang inspeksyon bilang paghahanda sa buhos ng mga bibiyahe ngayong paparating na Undas.
Target umano nila ang tuluy-tuloy at maayos na daloy ng trapiko para sa mga pauwi sa kani-kanilang probinsya.
Pero hamon ngayon ang mabilis na turnaround o pag-alis at pagdating ng mga bus.
"Ang nakikita kong susi mabilis na turnaround ng bus ang challenge ay yung matagal na mapuno. We are here with the other agencies to make sure na ang traffic will be smooth flowing…Pag di nakakaalis nagtatagal, cause of delay," saad ni Dimayuga.
Kinausap din ni Dimayuga ang pamunuan ng dalawang terminal para malaman ang kanilang mga pangangailangan. Napag-alaman niya na nasa 70 percent lang ng mga bus ang bumibyahe.
"We are assuring the bus companies. Just tell kung anong kailangan nila like clearing…Yung mga sister companies yan and tumulong. 70 percent available buses nila kasi yung iba sira. May ilang sira pero may sister companies sila na tutulong sa pagdagdag ng mga bus," dagdag niya.
Dahil na rin sa dami ng inaasahang bibyahe, nasa 1,500 traffic enforcers ang ide-deploy sa Undas. Giit ni Dimayuga, bawal muna silang lumiban sa trabaho.
Sa October 28 nila matatantya kung gaano karaming mga pasahero ang bibiyahe ngayong Undas.
"Malalaman ng terminals yan on the 28th meron na tayong tantya ng mga lalabas ang sabi nila mga libo raw po," sabi ni Dimayuga.
