Transport groups, nananawagan na padaliin ang proseso

Photo by Rio Deluvio
Ngayon ipinatutupad na ang dagdag-singil sa pasahe para sa mga public utility jeeps at bus sa bansa, nananawagan naman ang ilang transport groups sa pamahalaan na padaliin ang proseso ng pamimigay ng fare matrix sa mga drayber.
Sinabi ni PISTON national president Mody Floranda na mayroon pa umanong mga drayber na hindi pa makakapaningil ng dagdag na piso dahil wala pa silang kopya ng taripa na maipapaskil sa kanilang mga sasakyan.
"Ang isang naging malaking problema namin ay yung una, one week lamang yung ibinigay na palugit ng ating LTFRB, para makapag-apply yung ating mga indibidwal na mga operator kaya nga sa nga amin, ang isang panawagan nga namin ay baka naman pwede per association na lamang yung makapag-apply ng fare matrix para sa kanyang buong kasapian," sabi ni Floranda.
Dagdag pa niya, sana ay hindi na kailangang daanin sa online application ang paghingi ng kopya ng taripa.
"Ang isang mahirap nga sa ngayon, lalo na sa kalagayan ng mga operator din, wala naman pong kasanayan na mag-apply sa bahagi ng mga computer ano, kasi merong sinasabi na mag-a-apply muna sa online kung mag-ano ng taripa," saad niya.
Nananawagan rin si Floranda sa pamahalaan na lutasin din ang problema ng labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
"Sa bahagi po ng PISTON, mas tinitingnan po natin na yung pangkabuuan, na dapat ang galawin talaga ng gobyerno dito yung usapin ng pagbawal o pagtanggal sa usapin ng matataas na buwis sa produktong petrolyo para at least bumababa po yung ating mga bilihin," sabi ni Floranda.
"Kasi kung hindi po bababa yung mga bilihin, mawawalan din po ng saysay yung piso na ibinigay ng LTFRB dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa ngayon," dagdag niya.
