Street sweeper na nabundol, tinakbuhan

Iniulat ng pulisya sa Parañaque na isang isang 63-anyos na street sweeper sa lungsod ang nabundol at nagulungan ng isang sports utility vehicle (SUV) na hindi tumigil at tinakbuhan pa ang nabundol nito.
Makikita sa CCTV footage ang biktimang si Doreen Bacus, habang nagwawalis sa gilid ng kalsada sa panulukan ng Elizarde at Aguirre Avenue sa Barangay BF Homes. Nakita rin sa video ang pagdating ng SUV na minamaneho ng suspek na si Raymond Sapirain, at dire-diretsong nahagip ang biktima at nagulungan.
Naiwang nakahandusay sa gilid ng daan ang biktima habang hindi naman tumigil ang SUV.
Ayon sa pulisya, naharang ng mga security guard ng subdibisyon ang driver at dinala sa istasyon ng pulis. Sinabi naman ng anak ng biktima na nananatili pa sa ospital ang kaniyang ina para isailalim sa mga pagsusuri at may bali umano sa kamay at natanggal ang tenga ng kaniyang ina.
Tumanggi naman ang driver na magbigay ng pahayag. Pero sabi ng imbestigador, handa itong tumulong sa imbestigasyon at sa biktima.
Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting to serious physical injury.
Samantala, patay ang isang babaeng tatlong-taong-gulang matapos siyang masagasaan ng isang SUV sa Paranaque City rin na minamaneho ng 68-anyos na driver.
Ayon sa paunang ulat, sinabing kasama rin ng isa pang paslit ang biktima na lumabas ng bahay para hanapin ang kaniyang kuya na inatasan ng ama ng magbantay sa kaniya.
Habang naglalakad, dumating ang SUV na lumiko pakaliwa at doon na nagulungan ang biktima, at nasugatan din ang kasama niya.
Nagtuloy-tuloy pa sa pagtakbo ang SUV dahil hindi raw alam ng driver nito na mayroon siyang nasagasaan.
Hindi pinayagan ng pulisya na makapanayam ang driver na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide and injury.
