TULUNGAN NIYO KAMI!

TULUNGAN NIYO KAMI!

Nananawagan ngayon ng tulong ang pamilya ng pinaslang na mamamahayag na si Percival "Percy Lapid" Mabasa sa publiko nitong Huwebes na makipagtulungan sa mga awtoridad na mahanap ang mga suspek sa kanyang pagpatay.

Ito ay kasunod na rin nang pag-alok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ng P500,000 na pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon kaugnay sa pagkakapaslang kay Mabasa.

Ayon naman kay Roy Mabasa, kapatid ng biktima, nagulat ang pamilya ng mamamahayag sa alok na pabuya at nagpapasalamat sila para rito.

"Just the same, mawawalan ng saysay lahat ng pabuya na ito kung hindi makikipagkaisa ang ating mga kababayan," saad ni Mabasa sa isang panayam.

"Naniniwala tayo na meron pa ring mga may magandang kalooban sa ating mga kababayan na gustong tumulong sa pamilya ni Ka Percy na malutas itong pamamaslang na ito," dagdag nito.

Nagpapasalamat rin umano ang pamilya sa alok ni Abalos na kausapin si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para magkaroon ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso.

"Mas mabuti na rin na may ibang ahensya na tumitingin at baka may makaligtaan 'tong PNP (Philippine National Police) nga naman. Pero hindi natin inaalis ang ating pagtitiwala sa lahat ng ahensya ng gobyerno dahil naniniwala tayo kung talagang tututukan ito ay magkakaroon ito ng mas maliwanag na resolusyon," sabi ni Mabasa.

Lumalakas rin aniya ang loob ng pamilya dahil sa mga pagkondena sa pagpatay kay Lapid.

"Siyempre sa immediate family ni Ka Percy, lubhang napakasakit po nung nangyari ano. Ang nagpapalakas na lang ng loob nila ay suportang nakikita nila, nating lahat mula sa publiko at maging sa international community. Salamat po sa lahat talaga," sabi ni Mabasa.

"Lahat po yan, 'pag pinagsama-sama natin, sana'y magtuloy-tuloy sapagkat 'pag tayo'y tumigil, yung tinatawag nating impunity ay maaaring maghari muli," dagdag niya.

Naibigay na ng pamilya ng brodkaster ang kaniyang cellphone at dashcam sa pulisya para makatulong sa imbestigasyon.

Sinabi naman ni Abalos ang dahilan kung bakit siya nag-alok ng pabuya.

"Alam nating, nandyan na ang pulis, kinuha na ang lahat ng ebidensya, pero mas makakatulong kung maraming impormasyon na makukuha."

"Intelligence reporting is very important," saad ni Abalos.

Related Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph