DYARYO TIRADA
Dizon, siniguro ang maayos na operasyon sa EDSA Busway stations
Nagsagawa ng inspeksyon si Transportation Secretary Vince Dizon sa EDSA Busway Guadalupe Station upang tiyakin ang maayos na operasyon ng mga elevator at matiyak na magagamit ang mga ito ng mga komyuter, partikular ng mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas accessible at commuter-friendly ang mga busway station.
Ayon kay Dizon, naibalik na sa operasyon ang mga elevator sa Guadalupe, Philam, at Kamuning stations matapos ang apat na buwang pagkakabinbin ng kanilang serbisyo. Samantala, inaasahang matatapos naman sa loob ng dalawang linggo ang pagkukumpuni sa mga elevator sa Balintawak, Monumento, at Bagong Barrio stations.
Bilang bahagi ng pagpapahusay sa maintenance system, iniutos din ng kalihim ang pagpapatupad ng 24 hanggang 48 oras na maximum repair time para sa maintenance operator upang agad na maresolba ang anumang aberya sa mga elevator.
Ipinag-utos din ang regular na paglilinis sa mga basurang maaaring bumara sa elevator sensors at ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga istasyon upang maiwasan ang pagnanakaw ng mga supply wire na nagiging sanhi ng pagkasira at hindi pag-andar ng mga elevator.