Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Kampanya vs Sara sa 2028? Claire Castro, bumuwelta kay Baste

Abegail Esquierda · Jul 13, 2026, 2:13 PM

PALACE Press Officer Atty. Claire Castro said the Palace has not received official updates on the alleged visits by Sara Duterte to Ramil Madriaga. — Banner by Sheila Figueroa for Daily Tribune.

Sinagot ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang pahayag ni Davao City Mayor Baste Duterte ukol sa umano'y paggamit ng administrasyon sa kasong impeachment upang hadlangan ang kampanya ni Bise Presidente Sara Duterte sa pagkapangulo sa taong 2028.

"Noong simula pa lang, when the impeachment campaign began, it was what? Three years ago? Kahit noong simula pa lang ng termino ni Marcos 'yan, nung nagkalabuan na, nandiyan na 'yang usapang impeachment laban sa bise presidente. Para sa ano? Confidential funds. Ngayon, dinadagdagan nila ng kung ano-anong puwedeng idagdag," pahayag ng alkalde sa isang panayam sa The Hague.

Sagot naman ni Castro: "Three years?...Ibig sabihin, pagkapanalo pa lang niya bilang bise presidente, pinaplano na niya na maging presidente?"

Binigyang-diin din ni Castro ang mga umano'y pagkukulang ng Ikalawang Pangulo na maaaring maging malaking isyu sa kaniyang planong pagtakbo sa mas mataas na posisyon.

"Kung alam pala nila na tatlong taon na itong pinagpaplanuhan... Sana mas naging maingat ang bise presidente sa paggamit ng kaniyang confidential funds, at hindi rin naabuso ang mga pondo patungkol sa mga ghost vouchers at ghost food packs na nakita ng COA (Commission on Audit)," aniya.

"Hindi ba dapat naging mas masipag ang bise presidente at hindi puro pangingibang-bansa? Kasi definitely, maiisyu sa kaniya ito," dagdag pa niya.

Binalikan din ni Castro ang naging pahayag ng alkalde hinggil sa "Operation Romanov" noong Enero 2024 pa lamang, na nagsilbi umanong banta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang pahayag na ito ay binitawan ilang buwan bago ang kontrobersyal na death threat video ng bise noong Nobyembre 2024.

"Sa totoo lang, sinimulan ito ni dating Pangulong Duterte, sinundan ni Mayor Baste Duterte, at pumangatlo ang bise presidente. Lahat sila ay nagbanta sa buhay ni Pangulong Marcos Jr.," giit ni Castro.