NANAWAGAN ang NCDA ng repaso sa mga patakaran ng establisimyento kasunod ng iniulat na insidente sa batang may autism sa Pampanga. 
DYARYO TIRADA

NCDA pinarepaso ang ‘no outside food’ policy

Jing Villamente

Nagpahayag ng pag-aalala ang National Council on Disability Affairs (NCDA) noong Miyerkules, 18 Pebrero 2026, kaugnay ng iniulat na insidente sa isang Starbucks branch sa San Fernando City, Pampanga, kung saan isang 8-anyos na batang may autism ang umano’y pinakain sa labas dahil sa ipinatutupad na “no outside food policy.”

Sa pahayag na ipinadala sa Daily Tribune, sinabi ng NCDA na may karapatan ang mga negosyo na magpatupad ng kani-kanilang operational rules. Gayunman, iginiit ng konseho na ang mga patakarang ito ay hindi dapat magdulot ng diskriminasyon, exclusion, o hindi makatarungang hirap sa persons with disabilities (PWDs), lalo na sa mga batang nangangailangan ng reasonable accommodation dahil sa medical o developmental conditions.

Binanggit ng NCDA ang Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Persons with Disabilities, na inamyendahan ng Republic Act No. 9442. Ayon sa konseho, ginagarantiyahan ng batas ang pantay na oportunidad, access, at proteksyon laban sa diskriminasyon ng mga PWD. Ang hindi pagbibigay ng reasonable accommodation, kahit hindi sinasadya, ay salungat umano sa diwa at letra ng batas.

Ipinaliwanag din ng NCDA na ang mga batang nasa autism spectrum ay maaaring may clinically recognized food selectivity at sensory sensitivities na hindi simpleng preference lamang. Anila, ang sobrang higpit sa pagpapatupad ng commercial policies nang hindi isinasaalang-alang ang disability-related needs ay nagiging hadlang na nais alisin ng batas.

Kasunod ng insidente, inanunsyo ng NCDA na makikipag-ugnayan ito sa Department of Trade and Industry (DTI), iba pang regulatory bodies, at sa lokal na pamahalaan ng San Fernando City upang repasuhin ang “no outside food” policies at tiyaking naaayon ang mga ito sa disability inclusion standards.

“Ang reasonable accommodation ay hindi special treatment. Isa itong legal obligation at social responsibility. Ang inclusion ay nangangailangan ng flexibility, awareness, at compassion,” ayon sa NCDA.

Binigyang-diin din ng konseho ang kahalagahan ng disability awareness at sensitivity training para sa frontline personnel ng mga establisimyento.

Nanawagan ang NCDA sa Starbucks Philippines at iba pang negosyo na lumahok sa structured training programs upang masiguro ang pagsunod sa disability laws at inclusive service standards.

Sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at SM Cares, sinuportahan kamakailan ng NCDA ang pagtatatag ng kauna-unahang sensory-friendly space sa SM Mall of Asia para sa mga indibidwal na may autism, sensory processing disorders, at anxiety.

Iginiit ng NCDA na ang pagsunod sa disability rights laws ay hindi opsyonal, kundi bahagi ng responsableng pamamalakad ng negosyo.

“Ang inclusion ay hindi kawanggawa. Isa itong usapin ng karapatan, dignidad, at katarungan,” dagdag ng konseho.