Itinaas na sa Signal No. 1 ang dalawang lugar sa Mindanao dahil sa bagyong Basyang. Kabilang sa mga apektadong lugar ang Surigao del Sur at ang silangang bahagi ng Surigao del Norte, kasama ang Siargao at Bucas Grande Islands.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 735 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 70 kilometro bawat oras, habang kumikilos pa-timog-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Sa pagtataya ng PAGASA, posible pang lumakas ang bagyong Basyang at maging isang tropical storm ngayong araw. Inaasahan naman na maaari itong mag-landfall sa Eastern Mindanao bukas ng gabi o sa Biyernes ng umaga, bago tumawid sa Northeastern Mindanao at sa Central at Western Visayas hanggang araw ng Sabado.