Nag-file ng Chapter 11 bankruptcy protection ang Saks Global, ang parent company ng Saks Fifth Avenue, Neiman Marcus, at Bergdorf Goodman, isang hakbang na nagdulot ng pangamba at malaking tanong sa mundo ng luxury retail sa Estados Unidos.
Ayon sa mga dokumentong inihain sa U.S. Bankruptcy Court sa Texas, layunin ng Chapter 11 filing na bigyang-daan ang kompanya na ayusin ang operasyon at pananalapi nito habang nananatiling bukas ang mga tindahan. Nakakuha ang Saks Global ng $1.75 billion na bagong financing upang mapanatili ang operasyon habang isinasagawa ang reorganization.
Malaking bahagi ng problema ng kompanya ay nag-ugat sa utang na kinuha nito para bilhin ang Neiman Marcus noong huling bahagi ng 2024, isang deal na tinatayang nagkakahalaga ng $2.6 billion. Batay sa court filings, tinatayang nasa pagitan ng $1 billion at $10 billion ang assets at liabilities ng Saks Global, habang umaabot sa humigit-kumulang $3.4 billion ang kabuuang utang nito.
Para sa mga mamimili, hindi pa ito nangangahulugan ng agarang pagsasara ng mga tindahan. Hindi liquidation ang Chapter 11, kaya mananatiling bukas ang Saks Fifth Avenue, Neiman Marcus, at Bergdorf Goodman sa ngayon. Gayunman, inaasahan ang pagsasara ng ilang lokasyon, lalo na ang mga may mataas na renta, bilang bahagi ng restructuring. Tinatayang may humigit-kumulang 70 luxury stores ang Saks Global sa buong U.S., bukod pa sa mga Saks Off Fifth outlets, kung saan maaaring isara ang halos kalahati.
Sa ilang tindahan, ramdam na ang epekto. May mga Saks Off Fifth locations na nagsara na, kabilang ang ilan sa New York area. Napansin din ng mga mamimili ang kakulangan ng stock at halos bakanteng shelves sa ilang flagship stores, na iniuugnay ng mga eksperto sa pagkaantala ng shipments mula sa mga brand na naghihintay ng bayad.
Hindi gaanong apektado ang malalaking luxury brand tulad ng Prada, Dior, at Gucci dahil karaniwan nilang pinamamahalaan ang sarili nilang inventory sa pamamagitan ng concession model. Mas delikado ang sitwasyon para sa mas maliliit na designer at contemporary brands. Ayon sa mga abogado ng vendors, may mga brand na hindi pa nababayaran ng halagang mula $50,000 hanggang $10 million, at kadalasan ay “pennies on the dollar” lamang ang nababawi ng unsecured creditors sa bankruptcy.
Ayon sa mga retail analyst, ipinapakita ng sitwasyon ang mas malawak na pagbabago sa industriya, kabilang ang pag-usbong ng online shopping, direct-to-consumer sales, at ang pagbaba ng gana ng ilang mamimili sa mataas na presyo ng luxury goods.
Sa kabila nito, naniniwala ang ilang eksperto na hindi tuluyang mawawala ang physical department stores. Sa halip, inaasahang magiging mas kaunti ngunit mas nakabase sa karanasan ang mga matitirang tindahan, na pinagsasama ang retail, entertainment, at hospitality.