—Tao, dasal, rosaryo, tapang — at isang malinaw na mensahe: Tama na. Sobra na. Palitan na.
Takot sa anino ng nakaraan?
“Marcos resign, Marcos resign, Marcos resign. O, Boying, ipakulong mo na ako!”
Ito ang patutsada ni Atty. Ferdinand Topacio at dito pa lang ay tumbok na ang problema ng gobyerno. Isang abogado ang naghamon sa Ombudsman, hindi gamit ang baril, kundi dalawang salita lang.
Bakit? Kasi sa Pilipinas ngayon, tila mas mabigat ang pantig kaysa bala. Mas nakakayanig ang opinyon kaysa coup plot.
Kaya biglang sumulpot si Ombudsman Boying Remulla, may sermon na parang galing sa reality show ng authoritarian cosplay: bawal daw ang “Marcos resign.” Delikado raw. May hangganan daw ang freedom of expression.
Anong klaseng Ombudsman ang natatakot sa salita? Hindi ba't trabaho niyang bantayan ang pang-aabuso ng kapangyarihan — hindi maging sound engineer ng Malacañang na ginagamitan ng fader ang mga salitang nakakairita sa kanilang tenga?
Sumegunda pa si Defense Secretary Gibo Teodoro. Iba ang target niya: ang mga nasa uniporme. Ang mensahe? Kapag may nagsabing “withdrawal of support,” parang nag-uurot ng sedisyon. Parang gustong ipaniwala na ang pasaring ay bala, at ang hirit ay coup attempt.
Tanong: Sino ba ang nagbabantang magbitiw? Wala. Ang meron lang ay mga taong sawang maghintay ng matinong gobyerno. Pero sa utak ng mga nasa itaas, ang hinaing ay grenade pin na kapag hinila, goodbye status quo.
Dito lumalabas ang tunay na kinatatakutan nila: hindi ang mantra, kundi ang memorya. Kasi noong 1986, hindi nagbarilan. Walang drone strike.
Ang meron: tao, dasal, rosaryo, tapang — at isang malinaw na mensahe: Tama na. Sobra na. Palitan na. Alam ng kasalukyang rehimen na hindi nila kayang kontrolin ang panunumbalik ng kasaysayan.
Kung tama si Remulla, kung dapat ikulong ang nagsasabing “Marcos resign,” dapat idagdag sa listahan ang libo-libong jeepney drivers, market vendors, estudyante, at middle-class taxpayers na araw-araw naghihimutok. Pero hindi nila kaya. Dahil kapag ikinulong nila ang lahat ng galit baka pumutok ang kulungan.
Freedom of expression is not a coupon code na puwedeng i-revoke pag bad mood ang gobyerno. Ito ang mismong sandata ng mamamayan laban sa kapalpakan. Kung bawal nang magsalita, bakit pa may Constitution? Dekorasyon?
Ito ang irony: habang sila ang may kapangyarihan, sila rin ang nanginginig. At bakit sila nanginginig?
Simple. Dahil ang mga salitang ayaw nilang marinig — baka tama.