50 armchairs na gawa sa kinumpiskang mga kahoy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pinamahagi sa Sto. Niño Elementary School upang magkaroon ng pakinabang sa mga mag aaral ng naturang paaralan. DENR
DYARYO TIRADA

Mga kahoy na kinumpiska, ginawang armchair sa eskwela

Jonas Reyes

Magalang, Pampanga – Limampung armchairs na gawa sa mga kinumpiskang kahoy mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ipinamahagi sa Sto. Niño Elementary School upang makinabang ang mga mag-aaral ng nasabing paaralan.

Ayon sa DENR, ang donasyon ng 50 armchairs sa Sto. Niño Elementary School ay bahagi ng programang Adopt-A-Eskwela ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga.

Ang nasabing programa ay bahagi ng adbokasiya ng DENR na pagsamahin ang pangangalaga sa kalikasan habang pinagyayaman ang kalidad ng buhay ng mamamayan. Isa rito ang paggamit ng mga nakumpiskang materyales na ginawang kapaki-pakinabang para sa mga estudyante ng nasabing paaralan.

Naganap ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa paaralan bilang pormal na paglilipat ng pagmamay-ari ng mga armchairs sa Sto. Niño Elementary School.

Ayon kay Roger Encarnacion, pinuno ng tanggapan ng DENR sa Pampanga, ang mga armchairs ay ginawa mula sa kabuuang 6,197.50 board feet o 0.62 cubic meters ng troso at table na kanilang nakumpiska.

Natuwa naman si Regional Executive Director Ralph Pablo at sinabi niyang bahagi ito ng kanilang inisyatiba na itaas ang antas ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maayos na kapaligiran kung saan ang mga estudyante ay makakapag-aral nang maayos at komportable.