Nagbitiw na sa kanyang tungkulin sa opisina ni Senator Robin Padilla ag aktres na si Nadia Montenegro na kinumpirma naman ng tanggapan ng senador.
Ang pagbibitiw ni Nadia sa puwesto ay kasunod ng isyu ng paggamit umano ni Nadia ng marijuana sa loob mismo ng Senate building kamakailan.
“Today, we received the written explanation and letter of resignation of Ms. Nadia Montenegro. Her resignation has been accepted,” ang nakasaad sa official statement ng chief-of-staff ng senador na si Rudolf Philip Jurado.
Ayon pa kay Jurado, si Nadia ay nakatalaga bilang Political Affairs Officer 6 sa tanggapan ni Padilla. Wala namang binanggit si Jurado kung ano ang dahilan ng resignation ng aktres at hindi rin nagbigay ng paliwanag hinggil sa insidente.
Nauna rito, sinabi ni Jurado na pinagpapaliwanag nila si Nadia sa loob ng limang araw kung ano talaga ang nangyari sa CR kung saan sinasabing nanggaling ang amoy marijuana.
Naglabas din ng official statement ang chief of staff ni Sen. Robin na may letter head ng Senate of the Philippines at nakalagay na mula ito sa “Office of Senator Robinhood C. Padiila”