Hayagang pinabulaanan ng aktres na si Nadine Lustre ang isang kumakalat na social media post na iniuugnay sa kanya at nagtataguyod ng "Mirror Method" sa pagtugon sa kilos ng iba.
Nitong nakaraan kasi, may kumalat na isang quote card na pinaniniwalang sinabi umano ni Nadine kung saan sinasabi rito na naniniwala siya sa tinaguriang "Mirror Method" na isang konsepto na nagmumungkahi na dapat sukliin ang parehong antas ng atensyon o pagwawalang-bahala na ibinibigay ng mga kaibigan at mahal sa buhay.
Narito ang nakasaad sa viral post na diumano’y sinabi ni Nadine:
"‘Di ka nila binati nung birthday mo? Don’t greet them also. ‘Di ka nila inaya sa gala, ‘wag mo din silang yayain. ‘Di ka nila chin-check? STOP checking on them too. Just give them the same energy they’re giving to you. Trust me, life feels light when you do this."
Sa kanyang sariling social media account, iginiit ni Nadine na hindi kailanman niya sinabi ang ganoong pahayag at ilang oras pagkatapos, ibinahagi niya ang kanyang personal philosophy sa Facebook.
"I honestly don't believe in mirroring coldness just because someone chose to forget, ignore, or not show up. Para sa akin, hindi mo kailangang suklian ang kakulangan ng iba," saad ni Nadine. "Mas mahalaga pa rin na piliin mong maging mabuti, kahit walang kapalit. Because kindness isn't for them, it's for YOUR soul."
Nagpayo rin ang aktres sa mga taong ginagawan ng masama at ayon sa dalaga, puwede naman na iwasan na lamang ang mga taong gumagawa sa kanila ng kasalanan.
"You can walk away without carrying heaviness in your heart. It’s not resentment that sets you free. It’s the quiet, steady peace of knowing you’ve already forgiven them, even if they never asked," patuloy niya. "You let go not because they deserve it, but because YOU deserve peace."
"Take care of your soul, not your ego. Remember, hindi yung kapwa mo yung nagki-keep tabs, it's the universe. So keep choosing light. Keep choosing love. That's where true healing lives," aniya, na sinasalamin ang isang linya mula sa pinabulaanang post, "Trust me, life is so much better when you do this."