Science City of Muñoz, Nueva Ecija — Umabot sa 43 estudyante mula sa walong unibersidad ang lumahok sa dalawang-araw na Foundation Course on Intellectual Property Rights (IPR) at Basic Patent Search na inorganisa ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) ng Department of Agriculture (DA), noong Hulyo 10–11, 2025 sa PHilMech Training Hall.
Layunin ng programa na ihanda ang mga estudyante para sa kanilang on-the-job training sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kahalagahan ng intellectual property, pananaliksik, at inobasyon sa larangan ng agham at teknolohiya.
Ang mga kalahok ay nagmula sa Isabela State University, Nueva Ecija University of Science and Technology, Mariano Marcos State University, Central Luzon State University, Central Bicol State University, Bataan Peninsula State University, Capiz State University, at Abra State Institute of Science and Technology.
Ayon kay PHilMech Director III Joel V. Dator, itinuturing ng ahensya ang mga OJT bilang “student partners” na aktibong kabahagi ng mga proyekto nito.
Nagsilbing tagapagsalita mula sa Technology Management and Training Division sina Engr. Leo Jay P. Sarmiento, Ms. Jamaica Marie P. De Guia, at Ms. Jemimah L. Caballong, na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman sa intellectual property — kabilang na ang kahulugan, kahalagahan, at mga uri nito tulad ng patent, utility model, industrial design, copyright, at trademark.
Tinalakay rin sa pagsasanay ang iba’t ibang patent search tools, uri ng mga patent, at mga estratehiyang makatutulong sa komersyalisasyon ng mga inobasyon.
Ipinakita ng mga estudyante ang kanilang mga natutunan sa pamamagitan ng isang workshop output presentation, na sinuri nina Engr. Nestor M. Asuncion at Engr. Sarmiento.
Ayon kay Chester Jerome Marcos mula sa Central Luzon State University, “Wala akong kaalaman sa salitang patent noon, pero ngayon malinaw na ito sa akin.”
Para naman kay Kimberly Mae T. Cherevias ng Capiz State University: “Ang maliliit na ideya ngayon ay maaaring maging daan ng malaking pagbabago sa hinaharap. Hindi lang natin natutunan kung ano ang IP, kundi naengganyo rin tayong lumikha at mag-innovate.”
Sa pagtatapos ng programa, iginawad ang mga sertipiko ng partisipasyon at mga espesyal na parangal para sa pinakamahusay na patent search at mataas na marka.