MAS magiging makabuluhan ang pagtatanghal ng ika-8 edisyon ng The EDDYS (The Entertainment Editors’ Choice Awards) sa darating na July 20, 2025.
Inanunsiyo ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na magiging beneficiary ng 8th EDDYS ang Little Ark Foundation.
Ngayong taon, ibabahagi ng SPEEd ang pagtulong at pagsuporta sa mga batang patuloy na nakikipaglaban sa iba't ibang medical condition.
Ang Little Ark Foundation ay isang non-governmental organization na nagbibigay ng komprehensibong suporta sa mga batang may cancer, thalassemia at iba pang malubhang sakit.
Bukod dito, nag-aalok din sila ng iba pang tulong tulad ng pansamantalang pabahay, transportasyon, pang-araw-araw na pagkain at emosyonal at logistic na suporta para sa mga pamilya.
Ang misyon nito ay bigyan ang mga bata hindi lamang ng pangangalaga na kailangan nila, kundi pati na rin ng isang ligtas na lugar upang gumaling at mangarap.
“This year, The EDDYS goes beyond recognizing cinematic excellence by standing with children who are bravely fighting for their lives,” pahayag ni Salve Asis, pangulo ng SPEEd.
“Through our support of the Little Ark Foundation, we hope to help ease their journey and bring attention to the crucial work being done for these young patients and their families,” dagdag ni Asis.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano suportahan ang Little Ark Foundation, bisitahin ang kanilang official website, littlearkfoundation.org.
Ang 8th EDDYS ay magaganap sa July 20 sa Ceremonial Hall ng Marriott Ballroom sa Newport World Resorts sa Pasay City.
Magkakaroon ito ng delayed telecast sa Kapamilya Channel, Jeepney TV at may worldwide streaming sa iWantTFC sa July 27, Linggo.
Co-presenter ng 8th EDDYS ang Newport World Resorts at ABS-CBN sa ilalim ng production ng Brightlight Entertainment na pinangungunahan ni Pat-P Daza at ididirek muli ni Eric Quizon.
Major presenter ang Playtime PH sa pakikipagtulungan Globe at Unilab.
Ang SPEED ay pinamumunuan ng kasalukuyang presidente ng grupo na si Salve Asis ng Pilipino Star NGAYON at Pang Masa.
Para sa karagdagang detalye, maaaring i-follow ang official Facebook page ng The EDDYS (The Entertainment Editors' Choice).
Itinatag noong 2015, ang SPEEd ay binubuo ng mga entertainment editor mula sa mga nangungunang pahayagan, tabloid at online site sa Pilipinas.