Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagsunog sa sako-sakong iligal na droga na natagpuang palutang-lutang sa karagatan ng Luzon.
Ang utos ay ginawa ng pangulo kasunod ng kanyang pag-iinspeksyon sa mga nasabat na droga sa punong tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City nitong Martes.
Mahigit 1.3 tonelada ng hinihinalang shabu, tinatayang nagkakahalaga ng higit ₱9 bilyon, ang natagpuan ng mga mangingisda na palutang-lutang sa karagatan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Cagayan.
Ayon kay Marcos, dadalhin ang mga kontrabando sa Capas, Tarlac upang doon isagawa ang pagsusunog sa ilalim ng mahigpit na seguridad.