BALIK bansa si VP Sara Duterte matapos ang biyahe sa Malaysia. Tanong ng ilan kung may no bias pa nga ba sa impeachment trial kahit na kilalang kaalyado ng mga Duterte ang ilang Senator Judges?  Visuals by Chynna Basillaje
DYARYO TIRADA

VP Sara balik-bansa na, handang harapin ang impeachment trial

Neil Alcober

Bumalik na sa bansa si Bise Presidente Sara Duterte nitong Sabado matapos ang kanyang opisyal na biyahe sa Kuala Lumpur, Malaysia, kasabay ng paghahanda para harapin ang impeachment trial laban sa kanya.

Ayon sa Office of the Vice President (OVP), dumating si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport bandang 5:43 ng umaga sakay ng Philippine Airlines flight PR 530.

Nakatakda naman siyang bumalik sa Davao para dumalo sa 2025 PASIDUNGOG awarding ceremony sa darating na Lunes, 16 Hunyo.

Sa kanyang pagbisita sa Kuala Lumpur, nakasama ni Duterte ang mga kilalang kaalyado na sina Senator Robin Padilla at presidential sister, Senator Imee Marcos. Sila ay nakipagtipon kasama ang mga overseas Filipino worker at mga tagasuporta ng pamilya Duterte sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Sa kanyang pagbabalik sa bansa, sinabi ng Bise Presidente na handa siyang tumugon sa subpoena ng Senado kaugnay ng impeachment trial laban sa kanya. Patuloy ding naghahanda ang kanyang legal team ng opisyal na tugon.

May sampung araw si Duterte na nagsimula noong Hunyo labing isa, upang sagutin ang subpoena.

"We discussed that with our defense council, and they are also currently talking about how they will comply with the Senate summons," aniya.

Noong ika-lima ng Pebrero, inaprubahan ng House of Representatives ang articles of impeachment laban kay Duterte, kung saan dalawang daan at labing-limang mambabatas ang bumoto pabor sa impeachment.

Kinasuhan si Duterte ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pang high crimes dahil sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education, na sabay niyang pinamunuan noong mga taong 2022 hanggang 2024.