Analy Labor
DYARYO TIRADA

Toll holiday at odd-even sa EDSA, kasado na

Michael Pingol

Kasado na ang pagpapatupad ng toll holiday sa piling bahagi ng Skyway Stage 3 bilang suporta sa EDSA Rebuild Project, ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board (TRB).

Layunin ng toll holiday na maibsan ang trapiko sa EDSA habang isinasagawa ang pagkukumpuni. Inaasahan ng DOTr na makatutulong ito sa mga motorista at commuter, alinsunod sa utos ng Pangulo na bawasan ang abala sa publiko.

Ayon sa DOTr, posibleng malugi ang operator ng Skyway na San Miguel Corporation (SMC) dahil sa pansamantalang libreng pasada. Kaya't pinag-aaralan ng ahensya at ng TRB ang pagbibigay ng kabawasan sa SMC, kabilang ang posibleng extension ng kanilang concession agreement.

Kaugnay nito, inanunsyo rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng odd-even scheme sa EDSA simula 16 Hunyo, kasabay ng preparatory works ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsisimula sa 13 Hunyo.

Sa ilalim ng scheme, bawal dumaan sa EDSA tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 1, 3, 5, 7 at 9. Bawal naman tuwing Martes, Huwebes at Sabado ang may plakang nagtatapos sa 2, 4, 6, 8 at 0.