Nagsimula na ngayong araw, ikaw-26 ng Mayo, ang pagpupulong ng mga lider ng mga bansa sa Timog-silangang Asya para sa 46th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Hudyat ito ng pagbubukas ng summit o ang welcome ceremony, kung saan sinalubong ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim ang mga lider ng ASEAN, kabilang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama si First Lady Liza Marcos, sa park entrance ng Kuala Lumpur Convention Center. Sinundan ito ng plenary session kung saan inilatag ang kanilang buong araw na agenda.
Kasama sa mga paksang tatalakayin ang iba’t ibang usapin na may epekto sa rehiyon, kabilang na ang sitwasyon sa Myanmar, developments sa West Philippine Sea, at ang bagong tariff policy ng Estados Unidos. Kabilang din dito ang mga hamon pang geo-economic at geo-political sa rehiyon.
Sa kanyang opening statement, binanggit ni Prime Minister Ibrahim na sumulat sila kay US President Donald Trump, alinsunod sa napagkasunduan ng mga foreign minister, upang hilingin kay Trump na mag-organisa ng US-ASEAN meeting.
Nagkasundo naman ang ASEAN na hindi gagawa ng anumang retaliatory measure ang rehiyon at sa halip ay itutuloy ang maigting na pakikipag-usap sa Estados Unidos, bilateral man o unilateral.