IMUS, Cavite — Sa gitna ng patuloy na pagsusumikap ng maraming Pilipino na makabangon mula sa sunod-sunod na kalamidad at epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin, muling bumisita sa mga lungsod ng Imus at Bacoor si Senator Bong Go ngayong Sabado, 3 Mayo.
Bitbit niya ang panawagan para sa mas malawak na access sa serbisyong pangkalusugan, pangkabuhayan, at iba pang tulong para sa mahihirap.
"Dapat ilapit sa tao ang tulong at serbisyo ng gobyerno para mabigyan ang mahihirap ng pag-asa na magkaroon ng health security, food security, at job security lalo na ang urban poor na karamihan ay nanggaling pa sa mga malalayong probinsya na umasa sa mas magandang buhay sa mga lungsod," ani Go.
Ayon sa senador, nananatiling pangunahing adbokasiya niya ang pagsigurong maipaabot sa mga pinaka nangangailangan ang serbisyo ng gobyerno, gaya ng medical assistance, livelihood support, at financial aid. Aniya, hindi dapat pinipili ang mga binibigyan ng ayuda, at kailangang walang halong pulitika ang pamamahagi nito.
"Ang pera ng bayan ay dapat makabenepisyo sa taumbayan!" giit ni Go habang pinangungunahan ang distribusyon ng tulong sa mga residente.
Kilalang itinuturing na "adopted son" ng Calabarzon, patuloy ang pagdalaw ni Go sa rehiyon upang alamin mismo ang kalagayan ng mga komunidad at tiyaking nakakarating ang tulong ng gobyerno.