Tatlong suspek, arestado. Presscon agad. May photo-op, may soundbite, may deklarasyon si Chief PNP: “Mahuhuli ang mastermind within the week.”
Posibleng totoo. Baka nga mahuli. Hindi tayo nagdududa roon. Pero teka lang. Bakit parang ang bilis magdeklara ng mission accomplished? Wala pa ‘yung utak ng operasyon, pero may victory lap na agad?
Kabisado na natin ‘tong script na ‘to. May krimen, may bangkay, may galit na publiko. Arestuhin ang ilang tauhan, ilabas sa media, tapos i-announce: “Case solved.” Palakpakan. Tapos balik sa regular programming.
Pero teka—isa sa mga nahuli, si David Liao, a.k.a. Xiao Chang Jiang, a.k.a. Michael Agad Yung, a.k.a. pick-a-name-any-name, ay sangkot daw sa limang iba pang kidnapping. Sa loob lang ‘yan ng isang taon, ha. Karamihan konektado sa POGO.
“Isolated incidents,” sabi ng PNP. Aba, kung ganyan ka-isolated, baka kailangan mo na ng sariling barangay. Baka ‘yung mga numero lang ang bumababa—o baka naman magaling lang mag-report ng mas kaunti. Pero sa totoong mundo, andiyan ang mga nawawalang kotse, na-holdap na kapitbahay, online scammers na hindi mahuli-huli.
Sa mga barangay, buhay pa rin ang droga. Sa mga lungsod, parang sa zombie movie ang CCTV—nandyan pero wala namang silbi. At kung may nangyaring masama, parating huli ang tulong o hindi dumadating.
Tapos sasabihin sa atin, “under control.” “Effective ang law enforcement.” Gan’on? Eh, bakit may panawagang isama na ang military intelligence sa civilian police work? Kung kontrolado n’yo nga, bakit kailangan ng tulong ng Army, Navy at Air Force?
Sabi ng isang senador, ang kasong ito raw ay mensahe. Tama siya. Pero hindi ‘yon ang mensahe na gusto niyang marinig. Ang tunay na mensahe: Sa bansang ito, mas mahalaga ang ilusyong may ginagawa kaysa sa aktwal na katarungan. Ang press release ay mas mabilis kaysa sa imbestigasyon. At ang perception ay pwedeng ayusin sa pamamagitan ng headline.
Kaya oo, congratulations. Saludo kami sa mga pulis na nagsipag. Pero huwag n’yo kaming pilitin na pumalakpak habang ang tunay na utak ng krimen ay nasa labas pa rin. Huwag n’yo kaming kumbinsihin na panalo na tayo habang madami pa rin ang nabibiktima ng krimen.