Ginunita ng ilang Pilipino ang ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong Martes sa pamamagitan ng iba’t ibang seremonya at programa.
Sa People Power Monument sa Quezon City, pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang wreath-laying at flag-raising ceremonies ngayong alas-8 ng umaga.
Dahil idineklarang special working day ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong taon, ilang paaralan ang nagsuspinde ng klase bilang paggunita sa makasaysayang okasyon.
Ang pag-aalsang naganap noong 1986 ay nagpatalsik kay yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at nagluklok kay Corazon Aquino, biyuda ng pinaslang na senador na si Benigno "Ninoy" Aquino Jr., bilang pangulo ng bansa.