Arestado ang dalawang Pilipino sa Hong Kong matapos tangkain nilang mag-withdraw ng $10 billion mula sa isang bangko gamit ang pekeng dokumento.
Batay sa ulat ng Philippine Consulate General sa Hong Kong, nagpakita ang mga suspek ng pekeng capability letter, guarantee letter, at certificate of balance mula sa Hong Kong and Shanghai Banking Corp. upang ma-withdraw ang malaking halaga.
Isa sa mga suspek ay isang 68-anyos na senior citizen, habang ang kasama niyang babae, na nagpakilalang isang abogado, ay 38-anyos.
Bukod sa kanila, naaresto rin ang tatlo nilang kasamahan na Chinese, Taiwanese, at Malaysian.
Hindi pa inilalabas ng konsulada ang kanilang mga pagkakakilanlan. Kung mapatunayang nagkasala, maaari silang makulong nang hanggang 14 na taon.