(FILES) LTO's Central Office 
DYARYO TIRADA

Pagkabit ng maayos sa mga plaka ng sasakyan, pinaalala ng LTO

Michael Pingol

Nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista na ilagay ng maayos ang kanilang mga plaka sa kanilang mga sasakyan kasunod ng ulat na may mga car owners na ayaw sumunod kahit natanggap na ang alituntunin.

Binigyang-diin ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na ang may-ari ng sasakyan ay may mga responsibilidad, kabilang ang tamang pagkakabit ng mga plaka sa oras na bibiyahe ang mga ito.

"Sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng kanilang Highway Patrol Group (HPG), at sa aming sariling mga operasyon, natuklasan namin na ang ilang mga may-ari ng sasakyan ay sadyang binabalewala ang responsibilidad na ito," saad ni Mendoza.

Sa ilalim ng Republic Act 4136, o Land Transportation and Traffic Code of the Philippines, ang mga car owners na hindi nakakabit nang maayos ang kanilang mga plaka ay may multang P5,000.

Habang kinilala ni Mendoza ang mga nakaraang isyu sa availability ng plaka noong 2014, idiniin niya na ang backlog para sa mga four-wheel vehicles ay natugunan na. Ang natitirang backlog para sa mga plaka ng motorsiklo ay inaasahang malilinis sa Hulyo ngayong taon.