Ipinadala na ng Pilipinas noong Biyernes sa Humanitarian Air Bridge ang mga donasyong supply para sa mga apektado ng humanitarian crisis sa Gaza, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Pinangunahan ni OCD Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno ang turnover ng mga mahahalagang supply, kabilang ang 8,323 bonnet, 3,187 pares ng guwantes, at 20 kumot, sa NDRRMC Operations Center sa Camp General Emilio Aguinaldo.
Dumalo sa turnover ceremony ang mga opisyal mula sa Jordanian Honorary Consulate gayundin ang Department of Foreign Affairs.
Dahil sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas, libu-libong Palestinian ang nawalan ng tirahan, at nagsimula na rin silang bumalik sa kani-kanilang tahanan sa Gaza matapos ang ilang linggo. Marami sa mga istraktura ang nawasak, at nananatiling walang kuryente at pangunahing suplay sa rehiyon.
Ayon sa Gaza Health Ministry, halos 47,000 Palestinian ang napatay sa digmaang nagsimula noong Oktubre 2023.