Isang maitim na yugto ng kasaysayan ng bansa ang pananakop ng mga Hapon. May mga lumaban sa mga dayuhan at nagbuwis ng buhay. Mayroon namang napilitang magpasakop upang mabuhay at ilan sa kanila ay napilitang tumulong sa mga Hapones na labanan ang mga nagrebeldeng Pilipino. Sila ang mga “makapili” o tagaturo sa mga kalaban ng Hapones.
Ang mga makapili ay kilala sa pagsusuot ng bayong na may butas sa ulo upang hindi sila makilala. Tuwing maghahanap ng mga rebelde ang mga sundalong Hapon, pinagsasama-sama nila ang mga kalalakihan at tinatawag ang makapili upang ituro kung sino sa kanila ang mga kalaban. Ang ituro ng mga makapili ay hinuhuli ng mga mananakop at kinukulong upang pahirapan o bitayin.
Sa modernong panahon, mayroong bersyon ang makapili. Sila iyong mga namimili ng mga panggulong kandidato sa halalan upang matanggal sa listahan ng mga kandidato at hindi makalahok sa halalan. Tuwing eleksyon, itong mga makapili ang nagbabawas sa madaming kandidato sa pamamagitan ng pag-disqualify sa mga tinaguriang nuisance candidates.
Hindi malaman kung hugot sa saligang-batas ang kanilang kapangyarihang magpasya kung sino lamang ang makakalahok sa halalan. Isinasaad sa konstitusyon na Karapatan ng isang mamamayan na makalahok sa eleksyon bilang kandidato o botante upang makapagsilbi sa publiko.
Matagal nang pinipili nila kung sino lamang ang maaaring kumandidato. Sila ang nagdidikta ng iboboto dahil sa pagtanggal ng mga sinasabi nilang nuisance candidates, ang mga natitirang kandidato lamang ang nakakatabo at naiboboto sa halalan. Kaya naman parepareho lagi ang mga kandidato, mga pamilya ng pulutiko ang naluluklok sa kapangyarihan dahil sa mga makapiling sila ang itinuro.
Sa pagpasya ng Korte Suprema noong isang araw na mali ang pag-disqualify sa ilang kandidato at pagdidiin sa kanilang karapatan na kumandidato ayon sa saligang-batas, ibig sabihin ay mali ang pamimili ng mga nagsasagawa at namamahala ng eleksyon. Hindi sila ang huhusga kung sino ang karapat-dapat na maglingkod bayan kung ang mga botante.
Laging katwiran ng mga makapili ng kandidato na walang kakayahang mangampanya at walang Partido ang mga nuisance candidate. Ngunit maaari namang kumandidato ang sinuman bilang independente. Isa pa, mayroon nang social media kung saan maaaring mangampanya ang mga kandidatong walang sapat na salapi upang magpunta sa iba-ibang lugar para ipaalam ang kanilang sarili at plataporma.
Kung hindi magkakasya ang mga pangalan ng kandidato sa balota, pwede namang gawing digital ang balota na kayang malagyan ng kahit pa isang libong pangalan ng iboboto.
Kailangan rin ng hustisya ng mga inetsapwera nila sa mga nakaraang eleksyon dahil pinatay nila ang pagkakataon nilang makapagsilbi sa bayan.