Sumuko at nagpiyansa si Ruffa Mae Quinto sa National Bureau of Investigation (NBI) kahapon matapos siyang ireklamo ng estafa ng mga umano’y biktima ng investment scam na itinuturong siya ay kasangkot.
Nagpiyansa si Quinto ng P1.7 milyon para sa umano’y 14 kaso ng estafa at sinabing biktima rin siya, ayon sa ulat ng TV Patrol.
Hinikayat rin ng aktres ang mga nagsampa ng mga kaso laban sa kanya na habulin rin nila ang mga may-ari ng Dermacare, ang kumpanyang sentro ng kontrobersya na humantong sa paglalabas ng warrant of arrest sa kanya.
Sinabi ni Quinto, hindi siya binayaran ng Dermacare sa pagiging endorser nito, ayon sa ulat ng GMA Integrated News.
“Wala naman akong kinalaman sa kanila. Hindi ko naman sila na-meet, or nakilala. In fact, hindi rin ako nabayaran. Nag-bounce lahat ng cheke. At three months lang po ako na parang ‘yung pumirma ako, tapos. first down talbog, second down talbog. So puro bouncing, tapos sabi ‘sorry.’ Kinansel din nila ako as endorser,” pahayag ni Rufa sa GMA News.
“So sana ‘yung mga biktima, ‘yun ang hanapin n’yo, ‘yung may-ari, kung sino ‘yung kausap nila. Pangalawa, sana i-highlight n’yo kung sino ang kawatan dito, hindi ‘yong porket artista, ikaw na agad ‘yong laging nasa news.
Batay sa ulat, si Quinto ay kinasuhan ng 14 na bilang ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code, na nagsasaad na ang mga securities tulad ng shares at investments ay hindi maaaring ibenta sa Pilipinas nang walang registration statement na nararapat na isinampa at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sinabi ni Quinto na pinag-iisipan pa niya kung magsasampa siya ng counter charges laban sa mga nagrereklamo.
Ang Dermacare ay ang parehong kumpanya na sangkot sa pagkaaresto sa aktres at negosyanteng si Neri Naig.
Noong Setyembre 2023, naglabas ang SEC ng advisory tungkol sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions, na nagsasabi na ang kumpanya ay hindi awtorisado na humingi ng mga pamumuhunan dahil hindi sila nakarehistro at walang lisensya para magbenta ng mga securities.
Sa parehong advisory, sinabi ng komisyon na maaaring kasuhan ang mga salesman, broker, dealer, ahente, promoter, influencer at endorser ng Dermacare.